Monday, June 17, 2013

Bubu / Bubo

Bubu  (fish trap) - Isang uri ng pang-huli ng isda na di gumagamit ng ano mang uri ng pamain.


Ito ay isa sa mabisang panghuli ng isda na may mataas na halaga sa merkado tulad ng lapu-lapu, maya-maya, labian, banagan, alimangong kruz at iba pang lamang dagat.   Isa ito sa mga pamalakayang dagat na matatawag na eco-friendly sapagkat ito ay gumagamit lamang ng kawayan at may malalaking butas kaya ang mga maliliit na uri ng lamang dagat ay ligtas, mababa ang kinakailangang halaga subali't kinakailangan ng galing at kakayahan sa pag-gawa at pag-gamit nito.


Paraan ng pag-gawa nito:

Una kinakailangang pumili ng malaki at may tamang gulang na kawayan, ito ay kinakailangang putulin sa tamang sukat, maaring mahaba o maikli alinsunod sa laki ng ninanais na sukat ng bubu na gagawin.


Biyakin sa katamtamang laki


Saka tiladin o biyakin ng ayon sa tamang lapad ng kawayan.


Ihiwalay ang laman sa balat, ginagamit ang balat lamang ng kawayan upang maging matibay at tumagal ang pag-gamit ng bubu, maaari din namang gamitin ang laman subalit maikli lamang ang magiging serbisyo ng gagawing bubu.

Tiladin ang lahat ng kawayan sa mabilis na paraan upang di mahirapan sa pag-gawa nito, habang natutuyo ang kawayan ay tumitigas ito at mahirap ng ipaghiwalay ang laman sa balat.


Kapag ang lahat ng kinakailangang kawayan ay natilad na, maaari na itong lalahin (lala - paraan ng paghahabi ng kawayan).

Ang bubung kawayan ay may tatlong bahagi, una ang likod o pinakatawan nito.


Ang tiyan o ang ilalim na bahagi nito, mayroon itong bahagi na bumubukas upang makuha ang mga huling isda kapag ito ay buo na.

Galaw o ang bunganga ng bubu.


Isa sa mahirap na bahagi ng paglala o paghahabi nito ay kung saan magsisimula, karaniwang sinisimulan ito sa patusok na bahagi ng anumang parte nito.



Kapag handa na ang lahat ng bahagi nito, maaari na itong pagsamasamahin o buuhin, kinakailangan ng tatlong pirasong kawayan na magsisilbing patigas o backbone nito.  babaluktutin ang katawan upang maipagsama sa tiyang bahagi.


Ang galaw o bunganga ng bubu ay kinakailangang lagyan ng tinik o kawayan na pinatulis ang dulo, sa paraang ito ang anumang uri ng lamang dagat ay maaaring pumasok subalit mahihirapan na itong makalabas.



Ang kabuuang larawan ng nabuo ng bubu.


Kinakailangang itong lagyan ng pabigat upang mabilis ang magiging paglubog, sa una kinakailangang marami ang pabigat nito upang hindi maanod ng agos ng tubig sapagkat ito ay tuyo pa at magaan.  Kapag ito ay matagal na sa ilalim ng tubig, maaari ng bawasan ang mga batong pabigat nito.


Pasukang bahabi ng bubu.

  

Karaniwang hinuhulog ang bubu ng mga mangingisdang gumagamit nito sa pares-pares na paraan, ang dalawang bubo ay nakatali sa isa't-isa ng nylon na lubid, humigit kumulang sa 50 metro ang haba nito, ihuhulog muna ang unang bubu at saka papatakbuhin ang banka ng dahan dahan hanggang sa ang lubid na nakatali sa isang bubo ay maubos saka naman ihuhulog ang isang kapares nito.

Ang paraan naman ng pag-pandaw o pakuha nito ay ginagamitan ng panggayad, isang uri ng bakal na may kalawit at mahabang lubid, sasabitan nito ang nylon na nakatali sa dalawang bubo upang muling maiahon.  Ang mga bihasang mangingisda na gumamit nito ay naghuhulog ng bubu sa malalim na bahagi ng karagatan ang ginagamit nilang tanda ay ang kabundukan at mga puno o straktura sa paligid nito.

Ang huli nito ay maaring makuha sa ilalim na bahagi ng tiyan na bumubuka, aalisin lamang ang kawayang pangsara, at muling ibabalik kapag nakuha na ang laman nito.


 

















Sunday, June 16, 2013

Bunbon

Padapuan/bahayan ng isda - isang paraan ng pabibigkis ng mga dahon ng halaman o sirang lambat