Thursday, August 15, 2013

Pag-aalaga ng Lapu-lapu

LAPU-LAPU

Isa sa mga may mataas na halagang isda ay ang lapu-lapu, dahil sa presyo, ito ay mainam na alagaan, maaaring alagaan ang lapu-lapu sa isang palaisdaan o kulungang lambat.  Maaari kang bumili o humuli ng semilya mula sa isang pulgada hanggang sa limang pulgada, karaniwan itong nakikita  sa mga ilog-dagat at mga lugar maraming bakawan at iba pang puno na nabubuhay sa tubig-dagat.  Ito ay karaniwang nahuhuli sa pamamagitan ng kawil, baklad, lambat,  bubo (isang uri ng kulungang panghuli) o bunbon - (padapuan/bahayan ng isda - isang paraan ng pabibigkis ng mga dahon ng halaman o sirang lambat ). 

Semilya 
TINY o lapu-lapung bagong anak pa lamang.  Mabibili sa halagang piso (1) hanggang dalawang (2) piso ang isang piraso depende sa panahon, karaniwang nahuhuli ang tiny lapu lapu sa pamamagitan ng sakag at bunbon, kadalasang lumalabas ang tiny sa panahon na nagsisimulang pumasok ang tag-ulan, buwan ng mayo at hunyo, at meron din sa buwan ng Setyembre.


Sa pag-aalaga ng ganitong uri ng similya, kinakailangan ng pinong lambat na may sukat na isang metro kuwadrado, maaaring maglaman ito ng 500 hanggang 1000 piraso.  Subali't di nararapat na umabot sa mataas na bilang ang alagang semilya upang maiwasan ang pagkamatay nito.


Alamang ang pagkain ng ganitong uri ng semilya, maaarin itong mahuli sa mga gilid ng palaisdaan o sa mga ilog-dagat o lugar na maraming bakawan, api-api at iba pang puno na nabubuhay sa alat.  Sa paghuhuli nito kinakailangan mo ng sagap (salok na pino ang lambat) at batya.



Kung sakaling walang lugar na maaring mapagkunan ng alamang, maaari namang bumili na lamang nito sa mga mangingisda sa maliit na halaga.

LIMANG (5) PULGADA pataas na semilya, ito ay maaaring mahuli sa pamamagitan ng kawil, lambat o bubo, maaari rin namang bumili ng ganitong sukat sa halagang 50 - 70 pesos bawat piraso, ang presyo ay nagbabago ayon sa dami o panahon.


LUGAR NA MAAARING PAG-ALAGAAN
1. Ito ay maaaring alagaan sa palaisdaan o ilog-dagat o sa alinmang lugar na ligtas sa malalakas na alon at hangin na may mahinang agos ng tubig
2. Ayon sa mga datos ng mga bihasa o dalubhasa ang tubig-dagat ay nararapat na mula sa 25-33 bbl (bilang bawat libo).
3. Ang napiling lugar ay dapat hindi bababa sa isang metro ang lalim kapag kati.


KULUNGAN
Palaisdaan:
Maaaring alagaan ang lapu-lapu sa isang palaisdaan subalit hindi madaling makita o maihihiwalay ang mga lapu-lapung mabilis na lumalaki at may mataaas na timbang, dito nagkakaroon ng tinatawag na cannibalism o ang pagkain ng isang uri ng hayop sa kanyang kauri, maiiwasan ito kung merong sapat na pakain ang lapu-lapu sa araw-araw.  Kailangan din na masiguro o matiyak na walang ibang isdang malalaki sa palaisdaan bago pakawalan ang semilya ng lapu-lapu, siguraduhing walang bidbid o buwan-buwan na siyang malakas kumain ng mga semilya sa palaisdaan.

Kulungang lambat:
Ang karaniwang sukat nito ay 5 x 5 x 2 m, o limang metro kuwadrado pahaba at may lalim na dalawang metro, maari ding gumawa ng ibang sukat depende sa dami ng aalagaang lapu-lapu.  Maglagay din nag pandobleng lambat sa paikot ng lugar na paglalagyan ng lambat na alagaan, upang magsilbing pananggalang.

Maaaring gumawa ng balsa o baskagang kawayan na maaring kabitan ng mga palutang na styropome o drum na plastik upang maging ligtas sa alon ang alaga.  Kinakailangang kabitan ng pabigat na bato ang bawat sulok ng lambat upang di ito gumalaw sa hampas ng alon

Maaari ding gumamit ng permanenteng lugar sa pamamagitan nag pagtulos o pagbabaon ng kawayan sa putik o lupa sa napiling lugar.  Maaaring hayaang nakalubog lamang ang lambat. 


PAG-AALAGA
Ang dami ng alagang lapu-lapu ayon sa mga dalubhasa ay 20 piraso sa bawat metro kudrado.  Sa 5 x 5 metrong sukat ay maaaring maglagay ng 500 daang semilyang lapu-lapu.

Ang pagpapakain ay dapat na nababagay sa timbang ng alaga, kung masisimula sa semilya na isang pulgada (1 inch) kailangang pakainin ng alamang. Maaring mahuli ang alamang sa mga gilid ng palaidaan o sa mga lugar na maraming bakawan at api-api.  

Sa sukat na limang pulgadang semilya (5 inches) nararapat na limang porsyento (5%) ng timbang ng alagang lapu-lapu ang pakain araw araw sa unang buwan, upang makuha ang timbang, kinakailangang kumuha ng 10 isda bawat linggo at timbangin, maaari itong pakainin ng dyakos (trash fish) o tinadtad na isda na mababa ang halaga o bilasa na.

Sa mahigit sa 150 gramo na timbang pataas kailangan ng walong prosyento (8%) ng pakain sa kabuuang timbang ng mga alaga.

Kung nahihirapang makuha ang timbang ng alaga bawat linggo na pangkaraniwang problema ng mga nag-aalaga nito, maaari ding bantayan na lamang ang pagpapakain, maglagay lamang ng pakunti kunti sa lambat at kapag hindi na kumakain ang alaga maaari ng itigil ang paglalagay ng pakain. Huwag hayaang may matirang pakain sa lambat na maaring kainin ng alimango, dawat o iba pang uri ng lamang dagat na maaaring ikasira ng lambat.  


PAG-AANI
Maaari itong anihin sa loob ng 5 hanggang 7 buwan. Ang haba ng paglaki ng isda ay depende sa paraan at dami nag pagkain sa pahahong ito’y inaalagaan, ang tamang sukat o timbang na maari ng anihin ay dapat di bababa sa 420 grams o apat punto dalawang guhit at hindi naman tataas sa 1,000 grams. o isang kilo.  Kung sakaling lumagpas sa isang kilo, ang halaga ng isda ay babayaran lamang sa halagang isang kilo kahit pa umabot sa dalawang kilo o higit pa.  Subali't sa panahon na maraming pangangailangan sa lapu-lapu, maaari itong anihin ng patay at maibebenta sa tamang timbang nito.

Kung ang inalagaan ay ginawa sa palaisdaan, kinakailangang paibsan o patuyuan ang lugar na pag-aanihan.

Kapag sa lambat, kailangan lamang itong iaangat at salukin ng sigpaw o salok na yari sa lambat, ingatan lamang upang di magkaroon ng sugat o gasgas ang isda na maaaring ikababa ng halaga o di pagtanggap ng bibili

Kung sakaling malayo ang pagdadalhan, kinakailangan itong ilagay sa loob ng plastic lagyan ng oxygen at ilagay sa styro box, upang maiwasan ang pagkabutas ng plastic, maaring lagyan ng yelo ang gilid o tubig, ibalot ang yelo sa plastic upang hindi humalo sa tubig-dagat upang makatulog ang lapu-lapu sa lamig o temperaturang 20 degree C hanggang 22 degree C.


5 comments:

  1. Ako po sa ngaun ay nagaalaga ng lapu lapu sa dagat subalit karamihan ay namamatay dahil nagkakasakit at diretso ang ulan, anu po ba ang dapat kung ibigay na gamot? Salamat po sa opinion

    ReplyDelete
  2. Magandang araw po maaari pong malaman kung saan po nakakabili ng maliliit na lapu lapu para po sa pagsisimula ? Maraming salamat po

    ReplyDelete
  3. Anung mabisang gamot kng namamatay ang alagang lapu lapu

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ano po kayang gamot sa mga lapu lapung nakikita na po ang laman?namamatay na din po kasi yong iba dahil sa sakit na yan

      Delete
  4. Ano po kayang gamot sa mga lapu lapung nakikita na po ang laman?namamatay na din po kasi yong iba dahil sa sakit na yan

    ReplyDelete